Dapat unang inalagaan ang sariling workers MALASAKIT NG ABS-CBN ‘PEKE’

KUNG talagang may pagpapahalaga ang ABS-CBN sa taumbayan, dapat una nilang ipinaramdam sa kanilang mahigit 8,500 contractual employees at maging sa mga tauhan nila na tinanggal sa trabaho.

Ito ang tila mensahe ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa pamunuan ng ABS-CBN dahil ipinangangalandakan nito ang mga natulungan ng kanilang Lingkod Kapamilya Foundation habang pinababayaan naman umano ng kumpanya ang kanilang mga empleyado.

Sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN noong Martes sa House committee on legislative franchise, inungkat ni Marcoleta ang kalagayan ng mga empleyado ng nasabing kumpanya kung saan sa 11,000 na nagtatrabaho umano sa kanila ay 2,661 lang ang regular employees.

“Dahil po sa 2,661 lang ang regular employees nito. Ang mga ito lang ang may benepisyo, ang iba po na mahigit 8,500 na nagtatrabaho sa ABS-CBN ay wala po ni katiting na government mandated benefits na natatanggap katulad ng SSS, PhilHealth o kaya PagIbig,” ani Marcoleta.

Ginagawa umano ito ng ABS-CBN kahit nagkakamal ang mga ito ng salapi sa kanilang independent companies kung saan nagtatrabaho ang mga dehadong empleyado.

Gayunpaman, isinasangkalan aniya ngayon ng giant network ang mga empleyadong ito para maibalik ang kanilang prangkisa kaya inilarawan nito sa isang tsuper ng jeep ang nasabing network na walang lisensya subalit namasada at nang mahuli ay idinahilan ang kanyang mga pasahero dahil kawawa ang mga ito kung hindi makararating sa kanilang destinasyon.

“Ito ba yung ibibigay ninyong halimbawa? Hindi po ba dapat kayo ang kauna-unahan na nag-iisip ng kapakanan nila (manggagawa)?” pahayag pa ng mambabatas lalo na’t ang kanilang Lingkod Kapamilya Foundation ay itinatag umano para matulungan ang mga nangangailangan.

Maging ang mga tinanggal na empleyado ng ABS-CBN na nagdemanda at nanalo sa kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) hanggang sa Court of Appeals ay inungkat ni Marcoleta dahil patuloy itong nilalabanan ng network sa Korte Suprema.

Dahil dito, nais umano ni Marcoleta na mabigyan ng katarungan ang mga empleyadong ito sa pamamagitan ng pagbasura sa franchise renewal application sa prangkisa ng nasabing network.

“If this indeed is the true House of the People, the Committee on Legislative Franchises must side with the poor workers of ABS-CBN in denying its franchise, justice to them will be finally served although ironically this will also entail some sacrifice on their part,” ani Marcoleta. BERNARD TAGUINOD

74

Related posts

Leave a Comment