KAKALAMPAGIN ng grupo ng mga magsasaka ang Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong Lunes, Mayo 15 sa kanilang isasagawang kilos protesta dahil sa kabiguan ng ahensya na ipatupad ang tunay na repormang agraryo sa lalawigan ng Negros Occidental.
Nabatid sa grupong ECJ CLOA Holders and Farm Workers Association (ECHAFAWA), samahan ng mga magsasaka sa Negros Occidental, nabigo umano ang programa ng pamahalaan na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil patuloy pa rin hawak ng iilan ang malalawak na lupain sa naturang lalawigan.
Sa isang interbyu, sinabi ni Joel Nochepo, President ng ECHAFAWA, na nabigo ang programa ng pamahalaan na Joint Venture para sa mga magsasaka at mga namumunong kooperatiba sa lalawigan dahil walang napala ang mga magsasaka sa naturang proyekto.
“Umaasa ang mga magsasaka na aangat ang buhay nila sa Joint Venture na programa ng pamahalaan subalit walang napala ang mga magsasaka,” ani pa ni Nochepo.
Ayon pa sa lider magsasaka, ang Efarmbemco Cooperative na kinapapalooban ng 1,756 magsasaka sa may 4,654 hec. na labing isang (11) hacienda ay walang napala ang mga magsasaka at ngayon ay pinapaalis sila sa kanilang mga lupang sinasaka.
“Kaming mga ARBs sa Negros wala kaming natatanggap na suporta sa DAR sa Negros,” ani pa ng lider ng ECHAFAWA.
Nagsimula ang problema ng mga magsasaka ng ECHAFAWA makaraan umanong pagpuputulin ang kanilang mga tanim na puno ng saging at pinya ng mga security guard ng kooperatiba upang bigyan daan daw ang road widening at paalisin sila sa kanilang sinasakang lupa.
Hiniling din ng naturang grupo na alisin na ang joint venture at isailalim ang mga sinasakang lupa sa isang CLOA para bigyan ng sariling titulo ang mga magsasaka. (PAOLO SANTOS)
