DAYCARE WORKERS, GAGAWING REGULAR GOV’T EMPLOYEES

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

ISINUSULONG ni Senador Bong Revilla ang panukala upang gawing regular government employees ang mga daycare center workers.

Sa kanyang Senate Bill 299 o ang proposed Magna Carta for Daycare Workers, iginiit ni Revilla na dapat mabigyan ng security of tenure, living wage at social benefits, cost of living allowance, hazard pay, overtime pay, at trainings ang mga nagtatrabaho sa day care centers.

Sa ilalim ng Republic Act 6972 o Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act at sa Republic Act No. 8980 o Early Childhood Care and Development (ECCD) Act, binuo ang mga Daycare Centers.

Subalit, nasa P500 kada buwan lamang ang tinatanggap na honorarium ng daycare workers na hindi sapat para sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

“Despite the MEASLY compensation and their heavy workload, these workers continue their service to the country. We commend them for their dedication, and we have to reciprocate their sacrifices,” saad ni Revilla.

Naniniwala si Revilla na ang kanyang panukala ay magsisilbing daan ng pamahalaan sa pagkilala sa kasipagan at dedikasyon ng mga daycare workers sa pagbibigay ng edukasyon sa mga batang Pinoy na nangangailangan ng pagmamahal, pangangalaga at atensyon sa kanilang formative years.

“Ang daycare workers ang tumatayong mga magulang sa mga musmos habang naghahanap-buhay ang kanilang mga magulang. Napakalaki ng kanilang kontribusyon, lalo na sa paghubog ng ating kinabukasan,” diin pa ni Revilla.

108

Related posts

Leave a Comment