DE LIMA MALAYA NA

IBINASURA ng Muntinlupa Regional Trial court branch 206 ang huling kaso sa droga ni dating senador Leila de Lima.

Kinatigan ng korte ang mosyon ni de Lima na balewalain ang ebidensya ng kabilang panig, ayon kay Boni Tacardon, legal counsel ni de Lima.

Inihain ng kampo ng senador ang demurrer noong Marso kung saan hiniling sa korte na idismis ang kaso sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Sa desisyon, sinabi ng korte na ang mga ebidensyang iniharap sa korte ng prosekusyon ay hindi sapat upang mapatunayang guilty si de Lima sa akusasyon.

Noong Pebrero 2021, ibinasura na rin ng Muntinlupa City RTC-Branch 205 ang isa sa tatlong kaso ng dating senador. Mayo 2023 nang makamit ni de Lima ang ikalawang pagpapawalang sala sa kaso mula sa Muntinlupa RTC Branch 204, kasama si Ronnie Dayan, co-accused at dating bodyguard.

Ipinagbunyi ng kampo ni de Lima ang tuluyang pag-absuwelto sa kanyang ikatlo at huling drug case bagaman, mistulang masama ang loob ng pangulo ng kanilang partidong Liberal Party (LP) na si Albay Rep. Edcel Lagman dahil inabot ito ng 7 taon.

“Justice finally prevails for former Sen. Leila de Lima. Her innocence has been upheld. Her indomitable spirit has conquered the vileness of malicious prosecution,” ani Lagman.

Magugunita na kinasuhan ng nakaraang administrasyon si De Lima ng mga non bailable drug case na naging dahilan para makulong ito mula Pebrero 2017 subalit abswelto ito sa unang dalawang kaso.

Noong November 2023 ay pinayagan itong magpiyansa.

Lumalabas na mahigit pitong taon nakulong si De Lima sa Camp Crame at mahigit walong taon itong nakipaglaban para makamit ang katarungan na para kay Lagman ay masyado aniyang brutal.

“But justice inordinately delayed brutalizes the rule of law,” ayon sa kongresista. (JULIET PACOT/BERNARD TAGUINOD)

66

Related posts

Leave a Comment