(NI BETH JULIAN)
KUMPIYANSA ang Malacanang na lulusot sa ilalim ng administrasyong Duterte ang pagpapabalik sa parusang bitay o death penalty.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, positibo ang pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na kakayaning maihabol sa nalalabing tatlong taon niya sa puwesto ang nasabing panukala.
Nais ng Pangulo na maisalang sa capital punishment ang mga indibidwal na ayaw paawat sa operasyon ng iligal na droga at ang taong panay ang pagkamkam ng kaban ng bayan.
Katwiran ng Pangulo, matindi pa rin ang problema ng bansa sa iligal na droga na nagdudulot ng banta sa lipunan sa aspeto ng kriminalidad.
Sinabi pa ng Pangulo na malaking banta rin sa kaban ng bayan ang mga tiwali at corrupt na taga gobyerno kaya dapat na may pumigil sa mga ito sa kanilang mga gawain sa pamamagitan ng parusang bitay.
Malaki ang tiwala ng Palasyo na aani ng suporta ang isinusulong na ito ng Pangulo dahil na rin sa super majority na pawang mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso.
258