KUNG buhos-biyaya ang gobyerno sa flood control projects na nakukuwestiyon taun-taon lalo na sa panahon ng kalamidad, kabaligtaran naman ito pagdating sa flood prevention dahil ayaw itong suportahan ng gobyernong Marcos Jr.
Ayon ito kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel dahil ayaw isalang at aprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanyang House Resolution (HR) 8 o People Greenhouse New Deal.
“Dapat ipasa na ng Kongreso ang House Resolution No. 8 o ang People’s Green New Deal, bilang balangkas ng mga patakaran para maibsan ang pagbabago sa klima,” ani Manuel patungkol sa resolusyon na inihain nito noon pang June 30, 2022.
Sa ilalim ng nasabing panukala, magbabalangkas ang gobyerno ng sistema para maprotektahan ang kalikasan laban sa mga mapanirang quarrying, mining, pagtotroso at iba na nagpapalala sa baha kapag panahon ng kalamidad.
Layon din ng resolusyon na magkaroon ng pondo sa pagpapatupad ng patakaran para depensahan ang kalikasan tulad ng pagtuturo sa mga tao, pagtatanim ng mga punong kahoy at iba pa.
Gayunpaman, tila malamig dito ang gobyerno at sa halip ay mas binubuhusan ng mga ito ng pondo ang flood control projects na napatunayang walang silbi umano dahil sa halip maresolba ang pagbaha kapag panahon ng kalamidad ay lalong lumala pa ang problema.
Dahil dito, hinamon ni Manuel ang gobyernong Marcos Jr., na patunayan na may pagpapahalaga ito sa kalikasan sa pamamagitan ng pag-aatas sa Kongreso na pagtibayin ang kanyang resolusyon.
Naniniwala si Manuel na ito lamang ang paraan para hindi lumala ang krisis sa Pilipinas dahil mula 2010 hanggang 2019 aniya, P463 billion ang halaga ng nasirang pananim at imprastraktura.
Bukod dito, 22.1 million pamilya o katumbas ng 103.1 million indibidwal ang naapektuhan sa mga bagyong dumaan sa mga nabanggit na mga taon na ikinamatay ng 13,577 Pinoy at pagkasugat ng 44, 994 iba pa.
Nangyari lahat aniya ito dahil ayaw depensahan ng gobyerno ang kalikasan kaya palala nang palala ang pagbaha kapag nagkakaroon ng malakas na bagyo sa bansa. (BERNARD TAGUINOD)
37