DEFENSOR SA PHILHEALTH: KAILAN NAGKA-PNEUMONIA OUTBREAK?

(NI BERNARD TAGUINOD)

DUDA ang isang mambababatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagkaroon ng pneumonia outbreak sa bansa sa nakalipas na tatlong taon na ginastusan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ng P52.5 Billion.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, aalamin kung nagkaroon talaga ng pneumonia outbreak o bahagi lang ito ng katiwalian sa Philhealth.

“Mantakin mo nagkaroon ng pneumonia outbreak na hindi natin alam,” ani Defensor matapos maitala umano ng Philhealth na umaabot sa 3.5 million pasyente (sa nakaraang tatlong taon)  sa pneumonia ang kanilang natulungan.

Nabatid na sa nasabing bilang ay 700,000 pneumonia patients umano ang natulungan ng Philhealth noong 2018 na labis na ipinagtaka ni Defensor dahil hindi ito nabalitaan ng publiko.

Ito umano ang bilang ng alam ng ilang mambabatas a pasyenteng nagkaroon ng pneumonia noong 2018 bagama’t sinasabi umano ng Philhealth sa kanila ay 666,000 lamang ang kanilang natulungan subalit malaki pa rin umano ito, ayon kay Defensor.

“Mas malala pala ang pneumonia sa dengue outbreak dahil noong 2018, 700,000 ang kanilang (Philhealth) natulungan financially,” ani Defensor kaya isa ito sa kanilang aalamin sa isasagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa anomaly sa Philhealth.

Sinabi ni Defensor na bawat pasyente ng pneumonia ay P15,000 ang ibinabayad ng Philhealth sa hospital kung saan nagpagamot ang mga ito kaya tinataya ng mambabatas na aabot sa P52.5 Billion ang nagastos ng ahensya sa sakit na ito.

Ang Philhealth ay nasa hot water ngayon  matapos matuklasan ng Commission on Audit (COA) na aabot sa P153.7 Billion ang kuwestiyonableng ibinayad ng mga ito sa  mga clinic at hospital.

Naniniwala si Defensor na ito marahil ang dahilan kaya ayaw umano ng Philhealth na buksan sa COA ang kanilang computer dahil malalaman kung nagkaroon ng katiwalian.

 

199

Related posts

Leave a Comment