DENR, DOT, DA KINALAMPAG SA NAGLALAHONG BANAUE RICE TERRACES

(NI NOEL ABUEL)

KINALAMPAG ni Senador Imee Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na agarang kumilos bago pa mahuli ang lahat at hindi na makita ng mga kabataan ang ganda ng Banaue Rice Terraces sa Ifugao.

“Nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Ifugao, sa Department of Environment and Natural Resources, sa Department of Tourism at maging sa Department of Agriculture, magtulungan tayo rito. Pangalan ng bansa ang nakataya rito,” giit ni Marcos.

Aniya, hindi sapat ang aksyon ng naturang mga sangay ng pamahalaan na dapat tumutok sa problema ng Banaue Rice Terraces sa Ifugao.

Sinabi ni Marcos na lumabas sa ulat ng United Nations Food and Agricultural Organization o FAO na umabot sa “very critical stage of deterioration” — ang Banaue Rice Terraces na dating isa sa mga ipinagmamalaking yaman ng Pilipinas.

Nangangamba si Marcos, chair ng Senate Comittee on Cultural Communities, na tuluyang mabura sa mapa ng Pilipinas ang Banaue Rice Terraces na isa sa napapabilang sa UNESCO World Heritage Site.

“Aksyunan ninyo agad! Kailan pa tayo kikilos, kung tuluyan na itong nawasak? May panahon pa tayo, gawan natin ng paraan! Ipaalam natin sa publiko kung anu-ano ang gagawin nating hakbang, ” pagdidiin pa ni Marcos.

Lumabas sa ulat ng FAO na ilan sa mga dahilang nakita kung bakit nasisira ang Banaue Rice Terraces ay ang environmental degradation o pagkasira ng kalikasan, unregulated development at neglect o napapabayaan dahil sa urbanisasyon.

Batay pa sa datos, mula sa 1,670 ektarya nito na mga lupang pang-agrikultura, 600 ektarya rito ay abandonado at ngayon ay nangangailangan ng rehabilitasyon.

Iminungkahi ni Marcos ang paglalatag ng isang komprehensibong plano at paghingi ng tulong sa mga eksperto para matalakay at masolusyunan ang problema rito.

“Kultura at kasaysayan natin ang posibleng mawala pag tuluyang pinabayaan at masira ang Banaue Rice Terraces. Pinagmamalaki nga natin yan! Tinuturo pa sa mga aklat ng mga estudyante. Eto nga, wag naman sana umabot na sa huli tayo magsisi,” hirit pa ni Marcos.

 

180

Related posts

Leave a Comment