(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) upang magpatupad ng mga pamantayan laban sa bullying sa mga paaralan.
Ito ay makaraang lumitaw sa pag-aaral na ang mga estudyante sa Pilipinas sa 79 na bansa ang may pinakamataas na tsansa na makaranas ng pambu-bully.
Batay ito sa pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment o PISA, kung saan lumabas din na pinakamababa ang Pilipinas sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Science at Math.
Ayon sa PISA, mahigit 65 porsyento ng mga mag-aaral sa high school ang nakararanas ng ilang insidente ng pambu-bully sa isang buwan na mas mataas sa mahigit 23 porsyentong naitala sa ibang bansang lumahok sa assessment.
Ilan sa mga posibleng epekto sa mga biktima ng pambu-bully kasama na rin yung mga nambu-bully ay ang hindi pagpasok sa klase, mas mahinang performance, at pag-dropout mula sa paaralan.
Base sa pag-aaral, ang mga estudyante na nagsabing nakaranas sila ng pagbabanta ay may markang mas mababa ng higit 56 puntos sa pagbabasa o Reading Comprehension kung ihahambing sa mga hindi nakaranas ng pagbabanta.
Batay din sa pag-aaral, ang mga estudyanteng nakaranas ng panunukso ay nakakuha ng markang mas mababa ng 13 puntos kung ihahambing sa mga hindi tinutukso.
Iginiit ni Gatchalian na ang paglaban sa bullying ay isang hakbang upang mai-angat ang mga marka ng mag-aaral sa PISA, lalo na’t may epekto ang bullying sa academic performance.
“Kailangang tignan natin ang kabuuang larawan kung bakit pinaka mababa ang ating mga mag-aaral sa PISA. Kung susuriin nating mabuti ang pag-aaral na ito, lumalabas na isa sa mga dahilan ang bullying kung bakit nahuhuli ang ating mga mag-aaral,” saad ni Gatchalian.
“Nitong mga nakaraang araw, malakas ang panawagan na i-angat ang kalidad ng edukasyon ngunit upang magawa natin ito, kailangang masiguro nating ligtas ang ating mga paaralan upang matuto nang husto ang ating mga mag-aaral,” dagdag pa ni Gatchalian.
Muli ring iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagtuturo ng Values Education sa mga paaralan. Si Gatchalian ang sponsor ng Senate Bill 1224 na naglalayong gawing core subject ang Comprehensive Values Education, kasama na rito ang Good Manners and Right Conduct o GMRC.
“Mahalagang ituro natin sa bawat kasapi ng paaralan ang kanilang tungkulin sa pagtaguyod ng kaligtasan. Hindi lamang mga mag-aaral at guro ang dapat maging bahagi nito, kundi pati mga magulang din at iba pang mga miyembro ng komunidad,” diin ni Gatchalian.
261