DEPED, MANGANGAILANGAN NG P40B PARA TUGUNAN ANG KAKULANGAN NG CLASSROOMS

KINUMPIRMA ni Education Undersecretary Epimaco Densing III na aabot sa P40 billion na pondo ang kakailanganin upang matugunan ang problema kaugnay sa kakulangan ng mga silid-aralan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education sa pamumuno ni Senador Win Gatchalian, sinabi ni Densing na bahagi ng kailangang pondo ang P16 billion na kailangan para ayusin ang mga silid-aralan na winasak ng lindol at maging ng mga bagyong Odette at Agaton.

Kasabay nito, tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na handang-handa na ang Department of Education para sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22.

Sinabi ni Duterte na tuloy-tuloy ang preparasyon at nakatutok ang mga paaralan upang matiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng klase kasabay ng paghahanda para sa in-person classes simula sa Nobyembre.

Aminado si Duterte na marami pa rin ang problema sa education sector subalit unti-unti anya nila itong bibigyang solusyon at titiyakin na maibibigay sa mga estudyante ang kalidad ng edukasyon na nararapat para sa kanila.

Kinumpirma naman ng opisyal na patuloy din ang pag-aaral ng DepEd sa posibilidad na tuluyan nang maging bahagi ng paraan ng pagtuturo ang blended learning system. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment