(NI KIKO CUETO)
TINAWAG na ‘fake news’ ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang balita na nagpapatupad na sila ng mandatory repatriation o deployment ban ng mga Pinoy sa Hong Kong, kasunod ng rin ng mga serye ng protesta roon.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi pa mismo nagtataas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng alert level doon, na siyang magiging hudyat ng mandatory repatriation ng mga Filipinos sa Hong Kong.
“Right now there is no communication from the DFA and even from the consulate of Hong Kong regarding the possibility of repatriation, either voluntary or mandatory. We are in close coordination with the DFA for any development,” ayon kay Bello.
Sinabi ito ni Bello sa likod na rin ng mga kumakalat na maling impormasyon umano sa social media, kung saan sinasabing may repatriation at deployment ban sa Hong Kong.
Nanawagan naman si Bello sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng fake news, at makinig lamang sa mga pahayag ng pamahalaan.
“I urge the public to ignore this fake news on the internet. For those spreading it, please stop and let us not aggravate the situation and endanger our OFWs (overseas Filipino workers). We should help our OFWs there by not giving them false news about [mandatory] repatriation,” sinabi nito.
Pinayuhan ng Philippine consulate ang mga Pinoy na manatili na lang muna sa loob ng kanilang bahay habang nasa Hong Kong, at iwasan na magsuot ng itim at puting shirts sa kalsada para maiwasan mapagkalaman na nagpo-protesta.
Pinayuhan din ang mga Pinoy na mag-reschedule na lang ng kanilang mga biyahe.
167