PINABULAANAN ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang mga kumakalat na balita hinggil sa di umano’y pagtatago niya sa batas matapos sampahan ng kasong kriminal kaugnay ng pamamaslang ng batikang komentaristang si Percy Lapid nitong nakaraang buwan.
Sa isang panayam kay Atty. Rocky Thomas Balisong, sinabi ng abogado ni Bantag na hindi obligado ang dating BuCor chief na lumabas sa publiko para ihayag ang kanyang panig.
Gayunpaman, tiniyak ni Balisong na lulutang si Bantag sa tamang panahon.
“Hindi naman kailangan kasi ‘yung pag-file ng kaso accusation pa lang ‘yan. Accusation is not synonymous with guilt. Kaya ang sinasabi ko noon, he’s not under obligation to show himself in public. He wants to clear his name” aniya.
“Wala pa naman siyang warrant of arrest. He is not in hiding, sa totoo lang. Talagang dismayado siya na bakit humantong sa ganito. Basta ang sabi niya wala siyang kinalaman sa krimen na ito at lilinisin niya ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng legal na proseso,” dagdag pa niya.
Bukod kay Bantag, kabilang rin sa mga kinasuhan kaugnay ng pamamaslang kina Lapid at middleman na si Cristito Villamor Palaña sina BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta, aminadong gunman na si Joel Escorial at iba pa.
Sa kaugnay na balita, pinag-aaralan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad ng paglabas ng hold departure order laban kay Bantag at Zulueta.
Oktubre 3 nang tambangan ni Escorial at tatlong iba pa sa Las Piñas City si Lapid.
