SA kabila pagtutol ng mga environmentalist sa reclamation projects sa Manila Bay dahil nagiging dahilan umano ito ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan tulad ng Bulacan at Pampanga, mistulang tinukuran ito sa Kamara dahil sa daan-daang bilyones na maaaring kitain dito ng gobyerno.
Sa pagdinig ng House committee on ways and means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, lumabas na aabot umano sa P432 billion ang kikitain ng gobyerno sa 14 reclamation projects na inaprubahan ng gobyerno sa Manila Bay kapag naibenta na ng reclamation companies ang lupain.
“It’s a great way to raise revenues without raising taxes. We already considered funding the military pension system out of reclamation rights during the time of PNOY. But the idea was ultimately shelved because most reclamation projects are local government projects,” deklara ni Salceda.
Ayon sa mambabatas, hindi bababa sa P23 trillion ang halaga ng lupang ibebenta ng reclamation companies kaya sa land tax pa lamang aniya ay kikita na ang gobyerno ng P432 billion bukod sa iba pang buwis kapag napatayuan na ito ng mga istruktura at maging commercial centers na.
Sinabi naman ni Philippine Reclamation Authority (PRA) Assistant General Manager Joseph John Literal na tinatayang P24 trillion ang halaga ng investment na maipapasok sa bansa kapag natapos ang reclamation projects.
Ikinatuwa naman ito ni Salceda kaya sinabi nito na “P24 trillion, Sayang ito. Payagan na lang natin, basta tapusin nila in five years” at kailangang maglaan ng lupa para sa socialized housing ng gobyerno.
Iginiit ng mambabatas na hindi lamang ang Pilipinas ang nagkakaroon ng reclamation projects kundi maging ang mauunlad na mga bansa.
Inihalimbawa nito ang Japan kung saan 20% umano sa Tokyo Bay ay reclaimed habang 27% sa karagatan ng Singapore ang tinabunan para sa kanilang mga karagdagang imprastraktura na malaki ang naitulong sa kanilang ekonomiya.
“The largest flood control project ever undertaken in the whole history of mankind, in the Netherlands, involved the creation of an entirely new province out of reclaimed land,” ayon pa sa mambabatas kaya wala aniyang dahilan para itigil ang proclamation projects sa Manila Bay.
(BERNARD TAGUINOD)
168