HINDI kuntento ang militanteng grupo na pinagbitiw lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and CEO ret. Gen. Ricardo Morales.
Lalong hindi matanggap ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ang dahilan kaya pina-resign ni Duterte si Morales ay dahil sa kanyang kalusugan at walang kinalaman sa katiwalian sa PhilHealth.
“Why not just fire Morales and file cases against him and other PhilHealth officials? Why is it still up to Morales to stay or leave the agency? Filipinos deserve more,” ani Brosas.
Ayon sa mambabatas, hindi makatarungan sa mga miyembro ng PhilHealth ang malamyang aksyon ni Duterte kay Morales gayung sa pamumuno ng huli naganap ang kontrobersya sa Interim
Reimbursement Mechanism (IRM).
“Pagtatangka itong pahayag ng Malacañang na buhusan ng malamig na tubig ang kumukulong galit ng mamamayan sa mawalakang korapsyon sa PhilHealth, at para pagtakpan ang direktang papel ni Duterte sa mga anomalya sa PhilHealth,” ani Brosas.
KASUKLAM-SUKLAM
Samantala, nasusuklam naman si Brosas kay PhilHealth Regional Vice President for Region 4-B Paolo Johann Perez na sinasayawan ng babaeng halos walang damit sa kanyang kaarawan sa loob mismo ng kanyang tanggapan.
Magugunita na inilabas ng Senado ang video ng isang sexy dancer na nagsasayaw sa harap ng tila tuwang-tuwa na si Perez habang nakaupo ito sa kanyang silya sa isa sa mga selebrasyon ng kanyang kaarawan.
“We express extreme disgust at how PhilHealth officials at their Region IV-B office hosted a sexy dance and degraded a woman into a birthday gift in the video released by the Senate,” ani Brosas.
Kung matino aniya si Perez ay hindi nito hinayaan na regaluhan siya ng babae ng kanyang mga tauhan dahil isa itong uri ng kabastusan.
KAPALIT
Kaugnay nito, inilatag ni Presidential spokesperson Harry Roque ang ilang kwalipikasyon ng papalit kay Morales sa iiwan nitong pwesto sa PhilHealth.
Ayon sa tagapagsalita ng Malakanyang, malinis ang pagkatao, may managerial skills at hindi bantay- salakay sa kaban ng bayan ang ilan lamang sa katangian na dapat ay taglay ng magiging kapalit ni Morales.
Sinabi ni Roque na bagama’t wala pa namang bakante sa nasabing ahensiya ay naniniwala siyang iyon ang ilan lamang na kuwalipikasyon na hinahanap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa magiging kapalit ni Morales.
Una nang ibinahagi ni Morales — na namumuno sa ahensyang pinagbibintangan ng pagbubulsa sa nasa P15 bilyong pondo at “overpricing” sa IT equipment — na sumasailalim siya sa chemotheraphy kaugnay ng kanyang cancer.
Itinanggi na ni Morales ang mga paratang na inaprubahan niya ang mga nasabing kwestyonableng proyekto habang pinapaboran ang ilang ospital. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
32