DIGONG BUSY; ‘DI SIGURADO SA EDSA 1 ANNIV

power20

(NI LILIBETH JULIAN)

WALA pang kasiguruhan kung sisiputin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ito ay matapos ihayag ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, na wala at hindi pa alam kung dadalo o hindi ang Pangulo sa okasyon sa kadahilanang marami itong trabaho.

Madalas na idahilan ng Pangulo sa tuwing hindi ito pagdalo sa mga okasyon ay ang pagiging abala nito sa pagbabasa ng mga dokumento na may kinalaman sa trabaho sa gobyerno o pagbabasa ng mga libro na makadaragdag sa kanyang kaalaman.

Sa Pebrero 25 ang anibersaryo ng Edsa 1, kaya may limang araw pa ang hihintayin para malaman kung makikibahagi o hindi ang Pangulo sa nasabing okasyon.

“Kahapon nga nagmamadali siyang tapusin, 30 minutes, kasi mayroon pa siyang lakad, Sipag di ba!” pahayag ni Panelo sa press briefing.

Pero sinabi ni Panelo na wala pa namang nababanggit ang Pangulo ukol sa okasyon, sabay ng pagsasabing hindi rin naman ito dumalo noong nakaraang taon.

“Two years nang hindi dumadalo si Presidente. So most likely, hindi rin a-attend iyon,” pagtiyak na pahayag ni Panelo.

Gayunman, nilinaw rin ni Panelo na sakaling muling hindi dumalo ang Pangulo ay walang kinalaman sa pagsuporta nito sa pamilya Marcos.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na hayagan ang pagsuporta ng Pangulo sa pamilya Marcos lalo na kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos dahil sa tulong na ibinigay nang tumakbo siyang Pangulo ng bansa noong 2016 presidential elections.

Ang Edsa Revolution ang nagpatalsik sa puwesto kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pero ayon kay Panelo, sa kabila ng hindi pagdalo ay binibigyan naman ng halaga ng Pangulo ang Edsa 1.

 

 

 

7

Related posts

Leave a Comment