(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NAGMATIGAS ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi pa rin ito sisipot sa imbitasyon ng quad committee ng Kamara na nag-iimbestiga sa mga kaso ng droga, human rights violations, at illegal POGO.
Ito ay dahil wala umanong matibay na mga ebidensyang iprinisinta ang komite maliban sa mga hearsay o kwentong ‘marites’.
Nauna rito, kinumpirma ni dating Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na nagpulong sila ni Duterte at pinag-usapan ang imbitasyon ng quadcomm.
Ngunit sinabi aniya ni Duterte na pawang mga hearsay lang ang mga ipinahayag sa quad committee.
Sa pagdinig noong isang linggo, ipinakulong ng quadcomm ang dating warden ng Davao Penal Colony na si Supt. Gerardo Padilla dahil anila sa pagsisinungaling.
Pinatawan si Padilla ng 30 araw na pagkakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Pagsalaula sa Konstitusyon
Samantala, hindi ikinatuwa ng grupo ng mga manggagawa ang panukala ni Panelo na tumakbong Presidente at Bise Presidente sa 2028 national elections ang mag-amang VP Sara at Digong Duterte.
Para kay Ka Leody De Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa, gusto lang makakapit muli ni Panelo sa kapangyarihan kaya nito pinanukala ang pagta-tandem ng mga Duterte.
“Kapit-tuko sa kapangyarihan itong si Panelo. Palibhasa, siya ay mas ‘malapit sa kawali’ noong panahon ni Duterte. Nais niyang makakapit muli sa mga pasilyo ng Malakanyang,” pahayag ni Ka Leody.
Dagdag pa niya: “Kung hahayaan ito ng Comelec, sagad-sagad na ang pagsalaula sa Konstitusyonal na probisyon laban sa political dynasties.”
41