(NI BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG nagbago ang isip ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil mapipilitan umano ang mga ito na i-subpoena si Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno at kung isnabin nito ang imbitasyon sa pagdinig ng flood control project scam.
“Isa-subpoena namin kung hindi sisipot,” ani House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa press conference kahapon dahil kasama si Diokno sa mga pinadalhan ng imbitasyon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House rules committee sa flood control projects scam ngayong araw.
“Kung hindi sisipot maghahabulan kami sa Luneta,” ani Andaya na nagbago ang isip dahil noong nakaraang taon ay sinabi nito na hanggang imbitasyon lang ang gagawin nila kay Diokno.
Karaniwang naglalabas ng order of arrest ang Kongreso kapag hindi sinipot ng mga resource person na sinubpoena ang kanilang pagdinig kaya tinanong si Andayan kung ito ang mangyayari kay Diokno kung sakali.
“Yun (aresto) ang epekto nun (ng hindi pagkilala sa subpoena) kaya nga ayaw namin i-subpoena eh,” ani Andaya.
Gayunpaman, umaasa si Andaya na hindi mauuwi sa pag-aresto kay Diokno at dadalo ang Kalihim sa pagdinig ng kanyang pinamumunuang komite hinggil sa flood control projects na ibinuhos nito sa Casiguran, Sorsogon kung saan ang Mayor ay kanyang balae na si Mayor Edwin Hamor.
“Siguro yung integridad na lang niya ang pinaghahawakan namin para iklaro ang kanyang sarili. Yung manugang niya ay kumuha na ng abogado para humarap bukas, kumuha na rin siya ng abogado para maliwanagan,” ani Andaya.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay si Romeo Sicat Jr., na asawa ng anak ni Diokno na si Charlotte Justine Diokno-Sicat, na isa sa mga may-ari umano ng Aremar Construction na nakakuha umano ng mga proyekto sa pamamagitan ng dummy.
120