(NI BERNARD TAGUINOD) Tatlong departamento ang maghahari sa bilyong-bilyong pondo ng Road Users’ Tax sakaling magtagumpay si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno sa “pagbuwag” sa kasalukuyang sistema sa Road Board.
Sa press conference sinabi ni House Majority leader Rolando Andaya na walang katotohanan na tuluyang iaabolish ang Road Board sa ilalim ng ipinasang batas ng administrasyon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez kundi ibibigay lang ang kontrol sa tatlong ahensya ng gobyerno para pagharian umano ang road user’s tax.
“Kung titingnan natin yung House Bill na pinipilit na ipasa ng Senado, hindi naman inaabolish dito yung road board eh. Ginagawa na from 7 man road board, ginagawa nilang 3 road kings. Mas pinapadali pa nila yung pag-release. Siguro corruption din ang puwedeng mangyari,” ani Andaya.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit binawi ng liderato ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang House Bill No. 7436 noong Setyembre na sinuportahan ng mayorya sa Kamara.
Kabilang sa mga ahensyang maghahari at kokontrol aniya sa Road Users’ Tax ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Transportation (DOTr).
“Sila lang po ang may hawak at may poder na irelease ang pondo na yan, wala pong kinalaman ang Kongreso dito.It is nothing to do to the abolition, actually enabling 3 kings to hold and dispose of these funds,” ayon pa kay Andaya.
Sa kasalukuyan ay tanging ang DPWH ang nagpapatupad sa mga proyektong pinondohan mula sa buwis na ipinabayad ng mga may-ari ng mga sasakyan sa kanilang taon-taong pagpaparehistro.
119