“ALL diplomatic means” ang ginagamit ngayon ng Pilipinas para tugunan ang maritime row ng Maynila at Beijing sa West Philippine Sea.
Sa katunayan, sinimulan noong Biyernes, Marso 24 ang bilateral talks hinggil sa mahalagang sea lane.
Sa opening session ng 7th Bilateral Consultations Mechanism (BCM) on the South China Sea sa Manila, binigyang diin ni Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro ang umiiral na diplomatic channels, kabilang na ang kamakailan lamang na itinatag na communication line sa pagitan ng foreign ministries ng dalawang estado.
“The Philippines and China are in agreement that maritime issues do not comprise the totality of bilateral relations between our two countries. However, maritime issues continue to remain a serious concern to the Filipino people,” ayon kay Lazaro.
Inulit nito na mismong sina Pangulong Marcos at Xi ay nagkasundong idaan sa pag-uusap at diplomasya ang maritime issues ng dalawang bansa.
“The meeting today is an attempt to follow through on that decision,” aniya pa rin.
Matatandaan, nilagdaan ng Chinese Ministry of Agriculture and Rural Affairs at Department of Agriculture (DA) ang isang action plan ukol sa Agricultural and Fisheries Cooperation para sa taong 2023 hanggang 2025 sa state visit ni Pangulong Marcos sa China noong nakaraang Enero.
“In this iteration of the BCM, it is the Philippines’ fervent hope that the discussions will have a good complement to existing bilateral and regional dialogue platforms,” ani Lazaro.
Sinabi naman ni China’s Vice Foreign Minister Sun Weidong, handa ang Beijing na makatrabaho ang Maynila para palalimin pa ang komunikasyon at pagtutulungan sa maritime areas.
Itinatag ang BCM at unang na-convene noong 2017 upang tumayong primary platform para sa “confidence building and promoting maritime cooperation” sa pagitan ng dalawang bansa. (CHRISTIAN DALE)
