(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T marami ang tumututol, binigyan pa rin ng prayoridad ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magkaroon ng Divorce Law sa Pilipinas upang matulungan ang mga kababaihan na makawala sa ‘bad marriage”.
Ito ang nabatid matapos ilagay ng House Committee on population and family relation sa kanilang priority agenda ang House Bill (HB) 838 o An Act Introducing Divorce in the Philippines na inakda ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Ikinatuwa ito ni Brosas dahil ito na lamang umano ang pag-asa ng mga kababaihan na tuluyan makawala sa kanilang asawa na umaabuso sa kanila na hindi gumastos ng malaki para lang maipawalang bisa ang kanilang kasal.
“Stuck na nga tayo sa matinding trapik. Sobra na kung hahayaan pa natin ang ating mga kababayan na ma-stuck sa mapang-abusong relasyon. Panahon na para agarang ipasa ang divorce habang patuloy na itinataguyod ang sanctity ng kasal,” ani Brosas.
Sinabi ni Brosas na hindi layon ng panukalang ito na wasakin ang pamilya subalit marami umanong kababaihan, lalo na ang mga mahihirap, ang nagdurusa dahil masyadong mahal aniya ang annulment.
“It is an injustice to let couples, particularly women, be trapped in abusive relationships. She said current legal options are very limiting and costly,” ayon pa sa mambabatas.
Tanging ang mga mayayaman umano may kakayahang makipaghiwalay sa kanilang asawa lalo na kapag hindi na maayos ang kanilang pagsasaman dahil daan-daang libong piso ang kailangang para magkaroon lang ang mga ito ng annulment.
Gayunpaman, nagdurusa naman aniya ang mga mahihirap na kababaihan kaya tanging ang Divorce Law na lamang umano ang kanilang pag-asa kaya kailangang maging batas aniya ito.
“The current legal grounds for annulment are very limiting, and does not include physical and sexual violence. Divorce will expands the grounds and will allow spouses to escape torment and abuse and will provide them an option to begin again,” ayon pa kay Brosas.
175