(NI NOEL ABUEL)
KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang hindi pagtupad sa ipinangakong pagbibigay ng kuryente sa mga liblib na lugar sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, base sa report ng Commission on Audit (COA), sa 450,000 bilang ng bahay na target na kabitan ng kuryente ng DOE noong nakaraang taon, 77,121 lamang o 17.14% ang natupad, samantalang 705 sitio lamang ang nabigyan ng elektrisidad ng National Electrification Administration (NEA) mula sa dapat sana’y 1,259 noong September 30, 2019.
Nakatakdang dinggin ng Senado ang panukalang budget ng DOE na humihingi ng ₱2.3 bilyon na pondo kung saan ₱500 milyon ay para sa Total Electrification Program (TEP).
Ang NEA naman ay nagpapanukala ng P14.147 bilyon na budget kung saan P1.5 bilyon dito ay mapupunta sa TEP nito, kabilang na ang Sitio Electrification Program (SEP).
Mariing sinabi ni Gatchalian, chairman ng Committee on Energy sa Senado, na posibleng mauwi lang sa ‘pork’ ang hinihinging pondo ng DOE at NEA para sa susunod na taon.
“Naglalaan tayo ng bilyong pisong pondo sa NEA at DOE para sa electrification program ngunit laging bigo silang abutin ang kanilang mga yearly target. Ang mas nakababahala pa rito ay kung paano ginagamit ng mga ahensyang ito ang kanilang budget dahil wala naman silang konkretong istratehiya kung paano nila itinutulak ang TEP sa bansa,” saad ni Gatchalian.
Para tiyaking sulit ang bawat sentimo na ginugugol para sa programa, humihingi si Gatchalian sa mga naturang ahensiya ng isang komprehensibong national unified strategy.
“Kung mayroon sana tayong national unified strategy for electrification, ang bawat taxpayers sa bansa ay hindi mangangamba kung ang pera nila ay ginagamit lamang na slush fund ng dalawang ahensya,” diin ni Gatchalian.
Nilinaw ng senador na sa isang national unified strategy ay malalaman kung ilan ang bilang ng sitio na kakabitan ng kuryente, magkano ang budget na kailangan sa bawat sitio, kabuuang bilang ng target na bahay sa bawat sitio, timeline ng pagkakabit ng kuryente at mode of electrification sa bawat sitio, bukod sa iba pang bagay na dapat siyasatin.
380