PINALAGAN ni Health Sec. Francisco Duque ang ulat na unti-unti nang humuhupa ang banta ng COVID-19 at nagiging stable na ang sitwasyon sa mundo.
Sa Laging Handa press briefing ay sinabi ni Sec Duque na hindi pa sapat ang mga datos at pabago-bago pa ang sitwasyon para sabihing nagiging mabuti na ang lahat.
Kasama sa mga tinukoy ni Duque na dapat pang tingnan ang mga kaso at sitwasyon sa lalawigan ng Hubei at iba pang bahagi ng China gayundin sa mahigit 20 pang bansa na nagkaroon ng kaso nito.
Maging ang pagpasok ng panahon ng tag-init sa Marso ay hindi rin tiyak kung ano ang magiging epekto sa transmission o pagkalat ng nasabing virus.
Dahil naman sa nagkaroon na ng local transmission ng COVID-19 sa ibang bansa, ito ang pinaghahandaan ng pamahalaan upang matugunan sakaling magkaroon ng katulad na pangyayari sa bansa.
NIYAYANG MAMASYAL
Hinikayat naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga Filipino na samahan siya sa pagbiyahe sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng banta ng coronavirus o COVID-19.
Sa kanyang pahayag, tiniyak ni Pangulong Duterte na ligtas ang bansa mula sa mga banta ng sakit, law and order at kahit sa isyu ng accessibility.
Binigyan diin ng Pangulo na maraming magagandang mapupuntahan dito sa Pilipinas at walang dapat alalahanin ang mga biyahero.
Nangako na rin umano ang hotel owners at airline companies na magbibigay ng discount sa mga local tourist.
COVID-FREE
Kaugnay nito, iginiit ng Office of the President (OP) na nananatiling coronavirus-free ang Pilipinas.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag sa gitna ng nabibigyang highlight na mga ulat hinggil sa umano’y mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, bagama’t may tatlong una nang naiulat na tinamaan ng nasabing sakit, ito aniya’y hindi na maaaring maibilang pa sa existing list ng mga kinapitan ng COVID 19.
Isa aniya kasi sa tatlong naitalang kaso ay namatay na habang ang dalawa ay nagawa namang makarekober at sa katunayan ay nakalabas na ng pagamutan.
Sa harap nito’y tiniyak ni Sec. Panelo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang hindi na kumalat pa ang kinatatakutang karamdaman.
Sa huling ulat mula sa Department of Health (DOH), sa 455 na PUIs, 386 na ang nag-negatibo sa sakit. Kasama umano sa naturang bilang ang 259 na nakalabas na ng ospital.
Gayunman, ayon kay DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, kahit 82 percent na ng mga PUI ang negatibo sa virus ay kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat laban sa naturang sakit. CHRISTIAN DALE, DAHLIA S. ANIN