DOBLENG pag-iingat ang ginagawa ng Department of Health laban sa mga biyahero mula China kung saan isang sakit na misteryoso pa ang pinagmulan – na may sintomas ng pneumonia – ang tumama sa halos 60 katao.
Gumagamit ang health officers sa airport ng thermal scanners sa mga pasaherong galing ng China, na kailangng sumailalim sa physical examination at quarantine kung may sinat, ubo at sipon ang mga ito, ayon kay DOH spokesperson at Undersecretary Eric Domingo.
“Medyo doble-ingat lang naman po tayo. Basta po galing China, mas tutok lang ang ating mga thermal scanner,” sabi nito sa radio DZMM.
Ang impeksiyon ay unang naireport sa Wuhan, isang lugar sa central China, na may populasyon ng mahigit sa 11 milyon.
Nagkaroon din ng ispekulasyon na posibleng ang nakahahawakang SARS ang sakit na namumbalik at pumatay sa daan-daang katao mahigit isang dekada na ang nakalilipas.
Gayunman, itinanggi na ito ng China at pinarusahan na ang walo katao na naglathala ng balita nang walang pahintulot sa kanilang health department.
Ang mga pasyente ay pawang nilalagnat at ilan sa mga ito ay naninikip ang dibdib. Sa chest radiographs ay makikita ang ‘sugat’ sa mga baga.
Malubha ang mga pasyente ngunit wala pang naiuulat na namamatay.
Para maiwasan ang sakit, pinayuhan na iwasan ang lugar na maraming tao, magsuot ng face mask, dalasan ang paghugas ng kamay, ayon pa kay Domingo.
205