(NI NOEL ABUEL)
KINALAMPAG ng isang senador ang Department of Health (DoH) na siguraduhin na tumatakbo nang maayos ang telephone hotline nito para tumanggap ng tawag mula sa mga nangangailangan ng tulong partikular na ang mga nagpapatiwakal.
Giit ni Senador Pia Cayetano, dapat na tiyakin ng DoH na may nagbabantay sa suicide prevention hotlines ng ahensya para makatulong sa pagbibigay ng solusyon sa nangangailangan ng tulong.
Kamakailan, inilunsad ng DOH ang sarili nitong National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotline na 0917 899 8727 (USAP) at 989 8727 (USAP) na tumatakbo 24/7.
“I believe that in every call received by these ‘USAP’ hotlines, one person’s life can be saved. And so I encourage our health department to make sure that such initiative is sustainable,” sabi ni Cayetano.
Sa datos aniya ng World Health Organization (WHO), isa ang nasasawi sa pamamagitan ng pagpapatiwakal kada 40 segundo kung saan isa ang Pilipinas na may pinakamataas na bilang ng mga nakapagtatala ng kaso ng depression sa Southeast Asia na aabot sa 3 milyong Pinoy.
Idinagdag pa ng WHO na ikalawa na ang suicide sa nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga nasa edad 15-anyos hanggang 29-anyos.
“We have to step up our policies on suicide prevention if we want to protect our youth and guarantee a better future for them. Sometimes all it really takes to save a life is to listen and offer them support,” ayon pa sa senadora.
153