(NI DANG SAMSON-GARCIA)
INIREKOMENDA ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maglaan din ang gobyerno ng budget para sa information campaign laban sa fake news sa vaccination program ng gobyerno bukod sa P7.5 billion national immunization budget sa 2020.
Sinabi ni Recto na hindi na sapat na maglaan lamang ng pondo para sa bakuna kundi dapat magkaroon din ng creative information drive na magbibigay katiyakan sa mga magulang na ligtas at mahalaga ang mga bakuna.
“Kailangan ng gamot laban sa haka-haka at maling impormasyon. We should not lose the info wars against the superstition that vaccines are bad for kids,” saad ni Recto.
Ipinaliwanag ni Recto na ang immunization rate sa lahat ng uri ng bakuna sa mga bata ay bumaba sa 66% noong isang taon mula sa target na 95%.
“If you extrapolate this, hundreds of thousands of children who should be immunized were not,” diin ni Recto.
Dahil dito, pumangatlo ang Pilipinas sa may pinakamaraming kaso ng tigdas sa buong mundo.
“Di nakapagtataka kung ang national immunization rate sharply declined to just 40 percent in the early months of this year,” diin ni Recto.
Alinsunod sa budget para sa susunod na taon, naglaan ang Department of Health ng P7.543 billion para sa immunization program kung saan target ang 2.7 million na sanggol na mabigyan ng bakuna laban sa TB, Hepa B, Diptheria, Pertussis, Tetanus, Polio, Measles, Rubella at Influenza.
Dalawang milyong sanggol naman ang target bigyan ng pneumonia vaccines habang 2.4 milyon na Grade 1 at 1.9 milyon na Grade 7 students ang bibigyan ng Tetanus-Diptheria at Measles-Rubella vaccines
Saklaw din ng programa ang 2.7 milyong buntis na bibigyan ng tetanus vaccine habang dalawang milyong senior citizens ang bibigyan ng influenza vaccine at 500,000 units ng pneumococcal vaccine.
149