DOJ KINUMPIRMA LOOKOUT BULLETIN KAY ROQUE

KINUMPIRMA kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang immigration lookout bulletin order laban kay dating presidential Spokesperson Harry Roque at 11 iba pa na sangkot sa illegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Sa isang ambush interview kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, sinabi nito na nais lang ng kagawaran na masiguro ang integridad ng imbestigasyon sa kontrobersyal na offshore gaming.

Iniutos ng DOJ sa Bureau of Immigration (BI) ang 24 oras na pagbabantay sa kanilang mga routine araw-araw para hindi maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon.

Kasunod ito ng napabalitang tumakas na ng bansa ang respondent na si Cassandra Li Ong, ang awtorisadong kinatawan ng Porac POGO hub.

Kabilang pa sa bantay-sarado ng mga awtoridad si dating Technology and Livelihood Resource Center deputy director general Dennis Cunanan at iba pa.

Bagama’t wala pang naisampang kaso laban kay Roque, tiniyak ng DOJ na hindi na rin ito makakikilos nang normal gaya ng ibang respondents.

Nilinaw ng DOJ na magkaiba ang panuntunan sa lookout bulletin kumpara sa hold departure order na bawal lumabas o tumakas ng Pilipinas dahil may kinakaharap na kaso sa korte.

Bilang reaksyon, sinabi naman ni Roque na isang uri ng panggigipit o harassment ang kautusan ng DOJ lalo pa’t wala siyang alam na kasong isinampa laban sa kanya. (JULIET PACOT)

134

Related posts

Leave a Comment