DOJ SA NBI: AMBUSH SA MAGUINDANAO MASSACRE WITNESS, IMBESTIGAHAN

PINAKIKILOS ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang pananambang sa isang testigo ng Maguindanao massacre.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maglalabas siya ng direktiba sa NBI para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.

Base sa ulat, malubhang nasugatan si Mohamad Sangki, isa sa mga testigo sa malagim na Maguindanao massacre na ikinasawi ng 58 katao, nang tambangan ito kahapon ng umaga sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Sa inisyal na ulat ng South Cotabato PNP, pinagbabaril ng mga armado ang sinasakyan ni Sangki, Miyerkoles ng umaga sa bayan ng Tantangan.

Lulan ng kanyang sasakyan si Sangki kasama ang kanyang driver at bodyguard na nasugatan din sa pamamaril.

Ayon kay Atty. Nena Santos, abogado ng mga biktima ng Maguindanao massacre, nasugatan si Sangki at kanyang bodyguard dahil sa pagsalpok ng kanilang sinasakyan sa dalawang kubo habang pinauulanan sila ng bala ng hindi pa nakilalang mga salarin. JESSE KABEL

88

Related posts

Leave a Comment