DOKTOR AT NURSE SA BAWAT SCHOOL, ITINUTULAK SA KAMARA

UPANG maproteksyunan ang 27 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan, ipinanukala ng mga militanteng mambabatas sa Kamara na maglagay ng isang doctor at isang nurse sa bawat eskuwelahan sa buong bansa.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 6837 na inakda ng Makabayan bloc sa Kamara, mas mahaba anila ang oras ng mga estudyante sa kanilang eskuwelahan kaya nararapat lamang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

“Public schools, therefore, have the potential of being the place where children can be provided with preventive, curative, and supportive interventions,” ayon sa nasabing panukala.

Gayunpaman anila, hindi lingid sa lahat na walang naka-deploy na medical practitioners sa halos lahat ng mga public school sa buong bansa lalo sa malalayong probinsya.

Dahil dito, ipinapasa na rin umano sa mga guro ang responsibilidad sa pangangalaga sa kalusugan ng mga kabataan dahil walang totoong nurse o doctor na naka-deploy sa mga eskuwelahan.

Ito na anila ang panahon para sumunod sa direktiba ng World Health Organization (WHO) noong 1995 sa kanilang mga miyembro, kasama na ang Pilipinas, na gawing “entry point of health promotion” at “location for health intervention” ang lahat ng mga eskuwelahan sa bansa.

Bukod dito, kailangan na kailangan na aniya ang health personnel sa lahat ng mga eskuwelahan lalo na ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

181

Related posts

Leave a Comment