(NI NELSON S. BADILLA)
IPINAKITA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tunay nitong kulay makaraang salohin at ipagtanggol ang mga kapitalista sa bansa laban sa kahilingang dagdagan ng P710 ang minimum na sahod ng mga manggagawa kada araw mula sa umiiral na arawang suweldo.
Ayon kay DOLE Usec. Ciriaco Lagunzad, malabong itaas ng mga kapitalista ang sahod ng mga manggagawa, sapagkat wala pang isang taon ang naganap na umento sa kanilang suweldo.
Ani Lagunzad, malinaw sa batas-paggawa na kailangang lumipas muna ang isang taon mula sa huling pagtaas bago magsagawa uli ang mga Regional Wage and Productivity Boards (RWPBs) ng DOLE sa buong bansa.
Ang umento sa Metro Manila na umakyat sa P537 kada araw na suweldo mula sa P512 ay naganap noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Noong 2018 din itinaas ng iba pang RWPBs ang sahod ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon, ngunit mas mababa sa P25.
Ang pahayag ni Lagunzad ay reaksyon sa inihaing petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kamakalawa sa RWPB ng National Capital Region (NCR) na madagdagan ng P710 sa P537 arawang sahod sa mga manggagawa sa NCR.
Idiniin ng TUCP na “sobrang laki na ang nawala sa aktuwal na halaga” ng P537 mula nang walang tigil na tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa Tax Reform for Accessibility and Inclusion (Train) law at wala ring patid ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dulot ng excise tax dito at sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong langis sa pangdaigdigang merkado.
Ngunit, inamin ni Lagunzad na maaaring rebyuhin at pag-aralan ng RWPB – NCR ang kahilingan ng TUCP kung mayroong “supervening condition” upang itaas ang sahod ng mga manggagawang minimum ang tinatanggap na sahod.
Hindi ipinaliwanag ng opisyal kung ano ang “opisyal na intindi” ng DOLE sa konsepto ng “supervening condition” upang katigan nito ang mga manggagawa.
Nabatid ng Peryodiko Filipino Inc. na madalas magsalita, manindigan at ipagtanggol ng DOLE ang mga kapitalista kahit noong mga nakalipas na administrasyon.
Pero, kahit ganito, igigiit ng TUCP ang kahilingan dahil kailangang-kailangan at napapanahon ang P710 umento.
139