DOTr, LTFRB binira sa paghihirap ng commuters NCR KULANG NG 58K JEEPNEY

KUMBINSIDO si Senadora Grace Poe na hindi makatao ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung ipipilit nilang modernong dyip lang ang papayagan nilang pumasada.

“Hindi makataong ipilit ang modernisasyon lalo na kung marami sa ating mga jeepney driver ang kumakalam ang sikmura dahil hindi nakakapasada,” tirada ni Poe, pinuno ng Senate Public Services Committee.

Pahayag ito ni Poe matapos na modernong dyip lamang ang pinayagan ng DOTr at LTFRB na pumasada simula nitong Hunyo 22.

Si Secretary Arthur Tugade ang hepe ng DOTr, samantalang si Atty. Martin Degra ang pinuno ng LTFRB.

Hanggang ngayong araw ay kulang ng 58,500 dyip sa National Capital Region (NCR), banggit ni Poe, dahil 1,500 modernong dyip lang ang pinayagan ng DOTr at LTFRB na pumasada.

Idiniin ni Poe na: “Marami ngang nagsasabi wrong timing ngayon [na igiit ang modernisasyon ng dyip,] sapagkat kailangan nga magbigay ng ayuda ang gobyerno dahil wala ngang trabaho ang mga tao. Tapos ngayon natin ipe-phaseout lahat nitong mga jeepney na luma. Dapat magkaroon ng magandang pag-uusap at pagkakasundo.”

Pagkaupo noong 2016 bilang kalihim ng DOTr, sinimulan na ni Tugade ang modernisasyon ng dyip.

Sabi ng IBON Foundation, batay sa maraming pag-aaral sa Europa, Estados Unidos, Tsina at iba pa, hindi ligtas at hindi protektado sa COVID-19 ang mga pasahero sa kulob at airconditioned na dyip.

Mahigit 32,000 na ang mga Filipino na nagkaroon ng COVID-19 at mahigit isang libo na ang mga namatay rito.

Idiniin ni Poe na dapat tiyakin ng LTFRB, lalo na ng DOTr, na payagang makabyahe ang mga lumang dyip kung maayos naman ang mga ito. (NELSON S. BADILLA)

72

Related posts

Leave a Comment