DOTr, PINAGPAPALIWANAG SA ‘DI NAGAMIT NA BAYANIHAN FUND PARA SA MGA TSUPER

0

PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) kung paano nila ginamit ang P9.5 bilyong pondo ng Bayanihan 2 na para sana sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na tinamaan ng pandemya kasunod ng mga ulat ng mababang paggastos ng ahensya.

“Dahil sa lockdown, nawalan ng trabaho ang ating mga driver. Maraming healthcare workers ang hindi makapasok sa trabaho dahil walang transportasyon. Tapos nandiyan na ‘yung pera, bakit hindi natin binibigyan ng trabaho ang mga driver at swelduhan sila?” saad ni Poe.

“Hindi ba tayo naaawa sa mga driver na namamalimos? Iyong umaasa sa bigay o nakapila sa mga community pantry para may makain ang pamilya nila? May pera naman pala, bakit hindi gamitin para makaahon man lang sila?” dagdag pa niya.

Makaraang kwestiyunin ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, nabatid ni Poe na ang buong P9.5-bilyong pondo mula sa Bayanihan 2 para sa mga programa ng DOTr ay nailabas na.

Sa naturang halaga, nasa P5.58 bilyon ang inilaan para sa pansamantalang kabuhayan ng mga tsuper at operator na nawalan ng kita sa pamamagitan ng ‘service contracting’; P2.604 bilyon sa pag-alalay sa mga negosyo sa industriya ng transportasyon na kritikal na naapektuhan; at P1.316 bilyon para naman sa pagsasaayos ng mga bangketa at ‘bicycle lanes’, pagbili ng mga bisikleta at iba pang ‘safety equipment.’

Sa isang pahayag sa media noong Agosto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, isa sa ahensya sa ilalim ng DOTr, binanggit nito na nailabas na ang P1.5 bilyon para sa mga benepisyaryong tsuper sa buong bansa at para sa pagkuha ng Systems Manager, na siyang responsable sa pag-develop at pamamahala ng lahat ng ‘project systems’.

Sinabi ni Poe na kukunin niya ang paliwanag ng DOTr makaraang maiulat na sa P1.5 bilyon, tanging P653 milyon lamang ang nakarating sa kamay ng mga benepisyaryong tsuper.

Inihayag ng senador na kailangang matawag ang atensyon ng naturang ahensya sa mga hindi nagastos na pondo sa presentasyon nila ng kanilang panukalang pondo para sa 2022.

“Nawalan na sila ng pagkukunan ng kita dahil sa mga lockdown, ngayon nanganganib ang ating mga tsuper at iba pang manggagawa sa transportasyon na dalawang beses maging biktima dahil sa kawalang kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan na maayos na magamit ang bilyong pondo para matulungan sila,” giit pa ni Poe.

“Imbes na gastusin ang pondo para makabalik na sa kalsada ang ating mga driver, pinapatulog lang ang pera at walang serbisyong naibibigay sa panahon ng kagipitan,” dagdag pa ni Poe. (DANG SAMSON-GARCIA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment