DOUBLE MURDER INILUTANG SA LAPID CASE

INILUTANG ng abogado ng pamilya Mabasa na posibleng double murder ang nangyari matapos mamatay ang sinasabing middleman sa pagpatay sa hard-hitting radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Ito ay matapos lumabas sa resulta ng second autopsy ni Forensic Pathologist expert Dr. Raquel Fortun sa bangkay ng sinasabing middleman na si Cristito “Jun” Villamor na sinadya itong patayin.

Ayon kay Atty. Berteni “Toto” Cataluña Causing, ikinatuwa ng pamilya ni Percy Lapid ang inilabas na second autopsy report dahil malaking tulong ito sa kaso ng pinaslang na radio broadcaster at posibleng pagtukoy sa mastermind.

Lumalabas din umano na totoo ang sinasabi ng sumukong gunman na si Joel Escorial na may middleman at sa loob mismo ng Bilibid Prison nagmula ang kanilang broker, ani Atty Causing, tumatayong tagapagsalita ng pamilya Mabasa.

‘Ebidensiya ang hinahanap natin na doon sa loob (Bilibid) nanggaling ang utos (na patayin si Lapid) na totoong may middleman at talagang pinatay ito,” paliwanag pa ng abogado.

“Ngayon hindi lang isang murder case ito, double murder na. At kung talagang may middleman na nasa loob, at totoong sadyang pinapatay ito ibig sabihin mayroon nag-utos at mayroon ding nasa itaas pa nito,” dagdag pa ni Atty Causing.

Magugunitang inihayag ni Dr. Fortun na isang kaso ng homicide ang pagkamatay ni Villamor base sa kanyang isinagawang medico legal examination sa bangkay nito.

Nakitaan umano ng history ng asphyxia na posibleng mula sa “plastic bag suffocation” si Villamor. (JESSE KABEL RUIZ)

10

Related posts

Leave a Comment