(NI FRANCIS SORIANO)
NANINDIGAN ang Commission on Elections (Comelec) na papatawan ng multang P30,000 ang mga natalong kandidato sa pagka-senador na first time ngayong hindi nakapaghain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), habang P60,000 naman ang multa at habambuhay na disqualification ang parusa sa mga ikalawang beses nang hindi naghain.
Ayon kay Comelec Finance Office Director Efraim Bag-id, hindi nila bibigyan ng certification at hindi makauupo sa puwesto ang mga kandidatong hindi nakasunod sa alituntunin, kaugnay sa pagsusumite ng SOCE.
Ipinaliwanag nito na batay sa election law ay obligado ang lahat ng kandidato, nanalo man o natalo, na maghain ng SOCE na hindi lalagpas sa 30 araw, matapos ang halalan.
Gayunman, nilinaw ni Bag-id na ang mga nanalo noong halalan na hindi umabot sa deadline ay mabibigyan pa ng anim na buwang palugit mula noong sila ay naiproklama para makapagsumite ng SOCE, pero kung hindi pa rin ito makatutupad ay tuluyan na silang hindi makauupo sa puwesto o kaya ay maidedeklarang bakante ang kanyang posisyon.
164