(NI NOEL ABUEL)
NAIS ni Senador Christopher Lawrence Go na tuluyan nang hindi magising ang ilang convicted drug lords na magkukunwang may sakit para kakakuha ng hospital pass sa Buruea of Corrections (Bucor).
Ayon sa senador, payag itong payagang ma-confine sa ospital sa National Bilibid Prison (NBP) ang mga drug lords basta’t bigyan ang mga ito ng dextrose na magbibigay sa mga ito ng mahimbing na pagtulog.
“Sa ngayon, hindi natin alam kung magpapatuloy pa rin sila. Kung sakaling magpatuloy sila, bahala sila. ‘Yung mga drug lord diyan, dine-dextrose ng sobra sa isang buwan, baka hindi na kayo magising. Baka may dextrose na pwedeng pampatulog nang habambuhay na kayong matulog. Subukan ninyo po, parang gusto ninyo pa, sa mga drug lord na gusto pang bumili ng hospital pass, subukan ninyo lang,” paliwanag nito.
Tugon ito ni Go sa pag-amin ng isang doktor sa NBP ang nagkumpirmang may nangyayaring bayaran kapalit ng hospital pass ng mga drug lords.
“Para sa akin, ang ospital ay para sa may sakit, hindi para sa mga drug transaction. Huwag nating gamitin sa illegal drug trade ang mga ospital,” sabi nito.
Kasabay nito, kumpiyansa si Go na mababago ni Bureau of Corrections Director-General Gerald Bantag ang nangyayaring anomalya sa Bucor.
“Malaki ang tiwala ko sa bago nating BuCor chief, si Dir. Gen. Bantag, na ipapairal niya at magiging strikto siya sa pagpapatupad ng batas at wala nang makakalusot na ganung mga illegal transaction. Ako naman ay nanawagan kay Bantag na mataas ang expectation ng mamamayan sa kanya,” ayon pa kay Go.
259