(NI ROSE PULGAR)
KINUMPIRMA ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakalabas na ng bansa ang tinaguriang ‘drug queen’ sa lungsod ng Maynila na naunang ibinunyag nitong Martes.
Base sa huling report ng NCRPO dumating si Guia Gomez Castro, ang tinaguriang drug queen mula Vancouver, Canada, nitong Setyembre 18, sakay ng Philippine Airline flight PR 119.
Batay sa record ng NCRPO, nagkaroon pa umano ng posisyon si Castro sa isang barangay sa lungsod ng Maynila.
Wala umanong derogatory records si Castro kaya’t malaya umano itong makabiyahe palabas ng bansa.
Habang ang huling biyahe naman nito bago siya pinangalanan ay Setyembre 21, sakay ng Cebu Pacific flight 5J931 mula Manila patungong Bangkok, Thailand.
Nilinaw ni NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar na ang nasabing ‘drug queen’ at pinoprotektahan umano ng mga itinuturing na “ninja cops” ay hindi nakapag-oath bilang barangay chairwoman.
“Nahalal siya na barangay chairwoman last 2018 pero hindi siya nag-take oath kaya ang nag-assume lang na OIC ay isa sa kanyang mga kagawad. Kaya nga kinorek natin na hindi siya incumbent chairwoman dahil hindi siya nakapag-take oath. Hindi siya nanungkulan” ani ni Eleazar.
Nabatid na nitong Martes, pinangalanan ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Vicente Danao ang sinasabing “drug queen” na si Guia Gomez Castro, na nahalal bilang barangay chairwoman ng Barangay 484, Zone 4.
Ayon kay Eleazar, sinabi sa kanila ng OIC na si Weng Calma, na nasa America umano si Castro.
Nabatid sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang iligal drug activities ni Castro ay protektado ng mga itinuturing na ‘ninja cops’.
Nauna nang sinabi ni Eleazar na ang mga ‘ninja cops’ na sangkot sa illegal drug activities ni Castro, ay wala na aniya sa serbisyo, siyam dito ay mga patay na, dalawa ay retirado na, ang dalawa naman ay sinibak sa serbisyo at ang dalawa pa ay na AWOL.
Gayunpaman, sinabi nito na posible rin aniyang sangkot sa drug recycling ang ilang aktibong pulis.
“Wala na talagang aktibong pulis sa ngayon na involved dito except doon sa mga hindi natin mapangalanan dahil hindi natin alam,” ayon pa kay Eleazar.
“Itong sinasabi nating drug queen at kanyang mga galamay, naging aktibo ito noong sinasabi nating mga years back. Sa ngayon ay base sa ating assessment, hindi na ito makagalaw. Masasabi natin na ‘yung kanyang operasyon hindi na tulad noong namamayagpag siya at maraming nagbibigay ng proteksyon sa kanya,” sabi pa ni Eleazar.
Ayon pa kay Eleazar, patuloy nilang mino-monitor ang ilang pulis at sibilyan na may kinalaman sa nabanggit na ‘drug queen’.
“Hindi man natin siya maaresto kaagad, kung malalansag naman natin ang galamay, eh magiging useless na rin po ‘yung kaniyang operasyon,” dagdag pa ni Eleazar.
187