Drug-related casualties tatalupan ng CHR TOKHANG PATULOY SA MARCOS ADMIN?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TALIWAS sa akala ng marami, nagpapatuloy pa rin ang tokhang – o ang pamamaslang ng mga taong pinaniniwalaang sangkot sa paggamit at pagbebenta ng droga – sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Commission on Human Rights (CHR).

Katunayan anila, nakatakda na rin ang imbestigasyon sa 46 na kaso ng drug-related deaths na unang ibinida ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang anti-illegal drug operations na ikinasa sa mga buwan ng Hulyo, Agosto, Setyembre at Nobyembre.

Sa isang panayam sa radyo, kinumpirma ni CHR commissioner Beda Epres na pormal na rin nilang hiningi ang permiso at pakikipagtulungan ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin para masilip ang impormasyon at mga kalakip na detalye hinggil sa mga nasawi sa war against drugs na inilunsad ng sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Ayon pa kay Epres, pakay nilang tignan at busisiin kung sinu-sino at ano ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Gayunpaman, kumpiyansa pa rin naman aniya ang komisyon na naging mahusay ang PNP sa larangan “performance” bilang isang civilian law enforcement agency, sabay diin sa kahalagahan ng imbestigasyon sa mga drug-related deaths sa hangaring pawiin ang agam-agam ng publiko sa polisiya ng gobyerno.

Una nang ipinaliwanag ni Azurin ang estado ng giyera ng pamahalaan laban sa paggamit at kalakalan ng droga. Ayon sa heneral, 32 lang sa 46 na mga drug-related death ang nasawi sa mga ikinasang operasyon PNP, habang ang nalalabing 14 ay binawian ng buhay sa kamay ng mga tauhan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Samantala, binigyang-diin ni Azurin na malayo sa tokhang na pinairal sa ilalim ng administrasyong Duterte ang kanilang estratehiya laban sa kalakalan ng droga.

138

Related posts

Leave a Comment