(CHRISTIAN DALE)
AMINADO si Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na mayroon pa ring drug trade na nagmumula mismo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Kaya naman, nakatutok aniya ang kampanya ng administrasyong Marcos sa supply side at bulto ng ilegal na droga mula sa nasabing piitan
“This time we are going heavy on the supply side,” ang sinabi ni Remulla sa press briefing sa Malakanyang.
“Number one source (of the) drug trade is apparently still inside Muntinlupa jail,” ang sinabi pa rin ni Remulla.
Sa katunayan aniya ay gumagawa na ang gobyerno ng “proactive steps” para alisin ang mga high-value detainee sa loob ng Muntinlupa at maglagay ng maximum security sa isang lugar sa Pilipinas.
Nauna rito, pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government (DILG), the Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP) at ipinag-utos na palakasin ang pagtutulungan para sa paglaban ng administrasyon kontra ilegal na droga.
Tinuran ni Remulla na ang mga bagong estratehiya ay pinag-usapan sa naturang pulong.
Aniya pa, tinukoy ng mga awtoridad ang 200 high-profile detainees, na ililipat sa ibang pasilidad. Hindi naman binanggit ng Kalihim kung saan ang pasilidad na ito.
Ang mga detainees ay hindi nauugnay sa gobyerno.
”No they’re not… ‘yung first identification natin ‘yung 200 high-value detainees sa loob ng Muntinlupa apparently are still active from intercepted communications and intelligence briefings,” ayon sa Kalihim.
May ideya aniya ang Pangulo kung sinu-sino ang mga personalidad na ito.
”Alam niya eh, siya nagsabi sa amin,” ayon kay Remulla.
Sanib-Pwersa Kontra Droga
Sanib-pwersa ngayon ang magkapatid na Remulla para labanan at gamitan ng kamay na bakal ang mga tinatawag na “tulak” o mga nagbebenta at nagsusuplay ng illegal na droga sa bansa.
Ito ay matapos tiyakin ni Department of Justice (DOJ) Jesus Crispin Remulla na mas paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang pakikipag-ugnayan sa ibang ahensya ng gobyerno para tuluyan nang mapigil ang pagkalat ng illegal drugs.
Kasunod ito ng hakbang ng DOJ na suportahan ang lahat ng galaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ng nakababata nitong kapatid na si Secretary Jonvic Remulla para sanib-pwersa kontra droga.
Sa halip aniya na mga indibidwal na ‘user’ lamang na gumagamit ng droga, mas kakastiguhin nila ang ‘supplier’ na nagpapakalat at nagbebenta nito.
Siniguro ng kalihim na sa kabila ng pinaigting na kampanya kontra illegal drugs, mananatili at rerespetuhin nila ang karapatan at dignidad ng mga naaarestong suspek.
Inatasan na rin ng kalihim ang BuCor na bilisan ang paglilipat ng mga high profile drug personalities sa mga piitan sa kada region para matigil ang umano’y bentahan ng droga sa national penitentiary.
Una nang iniulat ng PNP na bumaba ang bilang ng kaso ng mga nasasangkot sa illegal drugs kung saan nagawa nila ito nang walang natitigok ‘di gaya sa tokhang. (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
83