WALA pa mang pormal na paghingi ng datos ang International Criminal Court (ICC) kung saan nakasampa ang kasong crime against humanity laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal, naglabas na ng imbentaryo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mga nasawi, arestado at iba pang impormasyon kaugnay ng madugong giyera ng administrasyon laban sa droga.
Sa talaan ng PDEA, aabot na sa 315,635 drug suspects – kabilang ang 13,821 high-value targets – ang dinakip ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas kabilang ang Philippine National Police (PNP) at ng kanilang hanay.
Bahagi din ng imbentaryo ang 6,215 kataong namatay sa 218,665 operasyon kontra droga mula nang maupo sa Palasyo si Duterte.
Sa kanilang datos, lumalabas na mayroon ding 3,785 target-listed personalities, 1,422 drug den maintainers, 795 miyembro ng sindikato, 509 kawani ng gobyerno, 393 halal ng opisyal ng pamahalaan, 349 banyaga (kabilang ang 284 na nasa wanted list), 124 pulis at sundalo, 75 miyembro ng armadong grupo, at 24 sikat na personalidad ang nahagip sa kampanya kontra droga.
Pagmamalaki naman ni Director Derrick Carreon na tumatayong tagapagsalita ng PDEA, malaking buti ang dala ng agresibong pagtugis laban sa kalakalan ng droga lalo pa’t nasa 23,270 barangay na aniya ang klasipikadong “drug-cleared” na.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng mga operasyon laban sa droga ng PDEA, maging ng PNP para sa 12,125 barangay na kanila aniyang tinututukan. (JESSE KABEL)
75