DSWD binalaan sa ‘palusot’ SAP2 SA MGA TSUPER PINAMAMADALI

INAASAHAN ng isang senador na titigil na ang mga pinuno ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpapalusot sa pamamahagi ng ikalawang bugso ng ayudang pinansiyal sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan.

Ang tinutukoy ni Senadora Grace Poe ay ang ikalawa at huling parte ng Social Amelioration Program (SAP) na itinakda ng Bayanihan to Act as One.

Natapos ang buhay ng Bayanihan Law nitong Hunyo 5.

Hindi pa naipasa ng Kongreso ang Bayanihan Act 2 o ang Bayanihan to Recover as One na pumapalo sa P140 bilyon hanggang P162 bilyon ang idadagdag ng administrasyong Duterte sa perang ipamimigay sa mga ‘hindi makakilos’ sa panahong tapos na ang lockdown sa maraming rehiyon at lalawigan sa bansa.

“Walang rason sa muling pagkaantala. ‘Wag nating hayaang may buhay pang muling mabuwis nang gayon na lamang dahil sa pagpapaliban ng pagdamay,” diin ni Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Services.

Inilabas ni Poe ang puntong ito dahil naantala nang labis ang pamimigay sa libu-libong tsuper ng tulong pinansiyal ng administrasyong Duterte sa unang bugso ng SAP.

Batay sa talaan ng LTFRB na inilabas nitong Hunyo 8, umabot sa 98,132 ang mga tsuper ng pampublikong transportasyon ang nakatanggap ng unang bugso ng ayudang bahagi ng SAP.

Sa pamimigay ng ikalawang bugso ng ayudang itinakda ng SAP, nangako ang administrasyong Duterte, sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Harry Roque, na mabilis na makararating sa lahat ng mga benepisaryo ang kanilang ikalawang parte sa SAP.

Ito ang pinanghahawakan ni Poe upang manawagan siya sa DSWD na tiyaking mabilis na makararating ang ayudang SAP ng mga drayber.

Sa kongkreto, iminungkahi ni Poe na makipag-ugnayan ang DSWD at mga pamahalaang lokal sa iba’t ibang organisasyon ng mga tsuper upang mabilis na makumpirma ang nilalaman ng mga listahan ng mga benepisyaryo ng naturang ayuda.

Sa ganitong proseso ay “mas mabilis at maayos na maibibigay ang subsidiya,” diin ni Poe.

Ipinaalala ni Poe sa mga opisyal ng DSWD at mga pamahalaang lokal na sa nakaraan ay “napilitan nang mamalimos ang ibang mga tsuper para may makain ang kanilang pamilya.”

“Sa panahong ito, umaasa tayo na naisayos na ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang sistema at batayan ng pamimigay ng tulong para masigurong mapupunta ito sa kamay ng mga tsuper na lugmok sa kahirapan,” diin ng mambabatas.

“Wala na dapat puwang ang pagbubuwis ng buhay dahil sa tulong na hindi dumarating, ani Poe sa gitna ng pagpanaw ni Michelle Silvertino na ilang araw naghintay ng masasakyan para makapiling ang kanyang pamilya. NELSON S. BADILLA

77

Related posts

Leave a Comment