DTI KINASTIGO SA LABELLING NG MGA PAGKAIN NA MASAMA SA KALUSUGAN

KINASTIGO ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Trade and Industry sa kanilang budget hearing sa Senado.

Ito ay dahil sa kabiguan anya ng DTI na kumilos sa paglalagay ng tamang label sa mga cup noodles na napakataas ng sodium content at delikado sa kalusugan ng publiko.

Ipinaliwanag naman ni DTI Sec. Alfredo Pascual na hindi nila sakop ang isyu sa mga pagkain dahil ito ay nakapailalim sa Department of Health kasama na ang drugs at cosmetics.

Ang Department of Agriculture naman sa agricultural products at DTI ay para lamang sa other consumer products na hindi nabanggit sa probisyon na sakop ng dalawang ahensya.

Ikinairita ni Tulfo ang naturang sagot at sinabing nagtuturuan ang mga ahensya sa isyu na dapat ay pinagtutulungan dahil nakasalalay ang kapakanan ng publiko.

Pinuna rin ni Tulfo ang nasa P243 million na budget ng DTI para sa consumer protection program kung saan papasok dapat ang tamang warning sa mga pagkain lalo na kung makakasama ito sa publiko.

Iginiit ng senador na kahit hindi responsibilidad ng DTI ang paglalagay ng label sa mga food products gaya na lang ng warning kung mataas ang sodium content ng isang cup noodle, dapat ay inirerefer nila ang problema sa DOH.

Dito, sinabi ni Pascual na makikipag-coordinate sila sa DOH sa isyu ng labeling sa cup noodles na inayunan ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

9

Related posts

Leave a Comment