(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINASTIGO ni Senador Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapahintulot sa ilang manufacturer na magtaas ng presyo ng “Noche Buena products” habang papalapit ang araw ng Pasko.
Kasunod ito ng pag-apruba ni Trade Secretary Ramon Lopez sa listahan ng mga produkto na pasok sa adjusted Suggested Retail Price (SRP).
“Sa inilabas na listahan ng DTI, lumalabas na P3 hanggang P20 ang itinaas sa presyo ng ham. Pero sabi ni Sec. Lopez, maliit lang ang increase. Killjoy naman itong si Secretary. Lalong hindi na makatitikim ng ham ang mahihirap na Pinoy sa kanilang noche buena kung ganito na kamahal ang presyo,” naiiritang sabi ni Marcos.
Kabilang sa mga pinayagang magtaas ng presyo ang ham na nasa P3 hanggang P20 ang itinaas kada 500g; fruit cocktail na nasa P1 hanggang P1.65 ang itinaas sa SRP list; maging ang keso na nagtaas ng P1 gayundin ang spaghetti noodles na dinagdagan ng P4.
Iginiit ni Marcos na dapat ipagpaliban muna ng DTI ang implementasyon ng SRP list para makapag-enjoy at makapaghanda naman ng masasarap na pagkain sa noche buena ang mga Pinoy.
182