DU30 GOV’T BILIB PA RIN KAY DIOKNO

Diokno

Ni Lilibeth Julian

BILIB pa rin ang administrasyong Duterte kay Budget Secretary Benjamin Diokno kahit siya ang itinuturo ng mga kongresista na may pakana ng multi-bilyong pork barrel sa P3.757 trilyong badyet ng gobyerno  sa susunod na taon.

Isinilarawan ni Presidential spokesperson Salvador Panelo si Diokno bilang isang “Man of Integrity.”

Sinabi ni Panelo na sakaling ihayag ni Diokno na hindi siya sangkot sa iregularidad ay pinaniniwalaan ito ng Malakanyang.

Ito ay sa kabila ng natuklasang milyones na nakasingit na pork barrel fund sa maraming mga kongresista para sa mga proyekto ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Hindi rin umano alam ng mga kongresista na may ikinargang pork barrel sa kani-kanilang distrito.

Hindi rin umano alam ng mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang P75 bilyong pork barrel nito maging ng Department of the Interior and Local and Government (DILG),  ang P16 bilyong pork barrel nito.

Idiniin ni Panelo na hangga’t walang matibay na ebidensyang maipakikita ang mga nag-aakusa ng katiwalian at korapsyon kay Diokno ay mananatili ang “presumption of competence” at “integrity” ng kontrobersiyal na kalihim.

Ginisa rin si Diokno ukol sa koneksyon umano ng kanyang pamilya sa C.T Leoncio Construction na nakabase sa Sta Maria Bulacan na una nang tinukoy ni Andaya na  nakatanggap ng bilyon bilyong government projects gayong single proprietorship lamang ito at hindi kaya ang mga malalaking proyekto.

Iginiit ni Diokno, nagsilbing DBM secretarty sa tatlong nakalipas na pangulo ng bansa,  na iniingatan niya ang kanyang integridad at idiniin na wala syang kapangyarihan sa mga proyekto dahil ang kanyang trabaho ay mag-release lamang ng budget.

Ibinuking din ni Andaya si Diokno na hindi alam ni Pangulong Duterte ang  P51B insertions na ginawa ng DBM.

Ang nasabing P51-B ay nabuko ng House Leadership kaya ni-reallign nito ang nasabing pondo  ngunit sa Question Hour ay pinanindigan ni Diokno na alam ito ng Pangulo. Hindi rin umano P51-B kundi P75-B ang pondo na lalong ikinabigla ni Andaya. Wala rin umanong alam si Public Works Secretary Mark Villar sa  proyektong popondohan ng nasabing budget.

Kinuwestiyon din si Diokno sa pagpapa-release ng budget ng DBM kahit Disyembre na at naglalabas pa rin Special Allotment Release Order (SARO).

 

102

Related posts

Leave a Comment