DUQUE, IBA PANG HEALTH OFFICIALS IIMBESTIGAHAN

INIHAYAG ng Office of the Ombudsman na iniutos nitong imbestigahan si Health Secretary Francisco Duque III at iba pang mga opisyal at empleyado ng Department of Health (DOH) kaugnay sa naging pagtugon nito sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019(COVID-19).

Nabatid na iniutos ni Ombudsman Samuel Martires ang pagbuo ng dalawang grupo na mag-iimbestiga kung paano tinutugunan ng nasabing mga opisyal ang pandemya. Kabilang na rito ang delayed na pagbili ng mga personal protective equipment o PPE para sa mga health personnel at iba pang kailangang medical gears upang proteksyunan ang mga ito.

Iimbestigahan din ang dulot na kalituhan at delayed na pag-uulat ng ahensya sa mga nasawi at kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Ani Martires, ang binuong joint-investigation team ay awtorisado na maghain ng criminal at administrative case sa mga mapatutunayang may pagkukulang at paglabag sa batas.

Nauna nang hiniling ng mga senador ang pagbibitiw sa pwesto ni Duque dahil sa kabiguan umano nitong pamunuan nang maayos ang pagtugon ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Isa sa mga matinding bumatikos kay Duque si Senador Panfilo Lacson na nagpahayag pa kung anong agimat ang ginagamit ng kalihim kung bakit hindi ito masibak ni Pangulong Duterte sa DOH sa kabila ng sunod-sunod nitong kapalpakan.

Sinabi ni Lacson, hindi mabilang sa daliri ang kapalpakan ng kalihim na ang pinakahuli ay ang kabiguan nitong bayaran ng tig-P1 milyon ang 32 health workers na namatay at ilang nagkasakit habang nilalabanan ang COVID-19. RENE CRISOSTOMO

84

Related posts

Leave a Comment