DUQUE ITINURO ANG MGA TAUHAN SA NAANTALANG AYUDA SA HEALTH WORKERS

SA harap mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay sinisi ni Secretary Francisco Duque III ang kanyang mga subordinates sa Department of Health (DOH) sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng financial assistance sa mga health worker na tinamaan ng COVID-19.

Sa public address ni Pangulong Duterte ay sinabi ni Sec. Duque na hindi talaga katanggap-tanggap ang pagkakaantala sa proseso ng benepisyo para sa mga health worker na namatay habang nakikipaglaban sa COVID-19 outbreak.

“Nakakahiya talaga, sir eh. Namatayan na nga tapos nagpa-wardi-warde yung mga tao ko na parang walang sense of urgency. ‘Yun talaga ang sama-sama ng loob ko, Mr. President,” ayon sa Kalihim.

Ani Duque, inatasan na niya ang kanyang mga tauhan na huwag umuwi ng bahay hangga’t hindi natatanggap ng mga benepisaryo ang kanilang financial assistance.

“I’m sorry to drag you into this,” ayon naman kay Pangulong Duterte kay Sec. Duque.

Nauna rito, binigyan ni Pangulong Duterte ng hanggang June 9 ang mga opisyal ng gobyerno para ipamahagi ang pinansyal na ayuda sa mga health worker na tinamaan ng COVID-19 o namatay dahil sa nasabing sakit.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang direktiba sa isang press briefing ngayong araw matapos malaman ng pangulo ang delay sa paglalabas ng assistance.

Matatandaan na nadismaya ang ilang senador matapos malamang wala pa ni isang health worker na apektado ng COVID-19 ang nakatanggap ng kanilang sickness at death benefit na nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act.

Sinabi ni Senador Sonny Angara sa plenary session na dahil sa kawalan ng implementing rules at regulations kaya hindi nailalabas ang nasabing mga benepisyo.

Una nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bumubuo na ng joint administrative order ang Department of Health (DOH) kasama ang Budget at Labor Departments para ipatupad ang probisyon ng Bayanihan law kung saan bibigyan ng P100,000 benefit ang mga health worker na mayroong severe case ng COVID-19 habang P1 milyon naman ang ibibigay sa mga nasawi mula sa sakit. CHRISTIAN DALE

59

Related posts

Leave a Comment