Duterte hindi na nakatiis ROMUALDEZ NAPAKA-CORRUPT!

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HINDI na nakapagtimpi si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya bumanat na ito sa Kongreso matapos tila pagkaisahan ang anak niyang si Vice President Sara Duterte.

Matapos tuluyang irealign ng mababang kapulungan ang confidential fund ni Vice President Sara Duterte na nagkakahalaga ng P650 million kasama na ang kahalintulad na pondo sa Department of Education (DepEd) na P150 million, ay tahasang inakusahan ng dating Pangulo ang Kongreso na aniya’y pinaka-korap na sangay ng pamahalaan.

Sa kanyang programang Gikan sa Masa, hinamon din ng matandang Duterte si House Speaker Martin Romualdez na ilahad sa publiko kung paano at saan ginasta ang pondo ng Kongreso.

“Kayo ang maraming pinaka. Alam mo pag mag-liquidate ka. And Im asking mag-liquidation tayo and you will find out what is the most rotten institution dito,” pahayag ni Duterte.

Ayon pa kay Duterte, si Romualdez ang maraming pondo kaya hinamon niya ang Commission on Audit (COA) na i-audit ito.

“Si Romualdez, he’s wallowing… alam mo kasi ewan ko kung bakit, inaano nya si inday…,” aniya pa.

Dapat aniyang ipa-audit ni Romualdez ang budget ng Kongreso upang malaman kung paano niya winaldas ang pera ng bayan.

Banta pa ni Duterte, kung hindi gagawin ng COA ang pagbusisi sa pondo ni Romualdez ay hihikayatin niya ang kasundaluhan, kapulisan, mga magsasaka at buong mamamayan para igiit ito.

Bago ito, inanunsyo ni House committee on appropriations chairman Rep. Elizaldy Co na nirealign ang pondo ni VP Duterte subalit hindi ginalaw ang P2.2 billion na kahalintulad na pondo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“The Office of the Vice President and the Departments of Education (DepEd), Department Information and Communications Technology (DICT), Agriculture (DA) and Foreign Affairs (DFA) are getting ‘zero’ confidential funds under the 2024 General Appropriations Bill (GAB),” ayon sa statement ni Co kamakalawa ng hapon.

Ito umano ang pinal na pasya ng small committee na naatasang maglagay ng individual amendments sa 2024 national budget na pinagtibay ng Kapulungan noong nakaraang buwan.

144

Related posts

Leave a Comment