HINAMON ng Malacanang ang mga kritiko na magsampa ng kaso kung sa paniwala nila ay mayroong tagong-yaman si Pangulong Rodrigo Duterte at pamilya nito.
Ito ang tugon ni Presidential spokesperson Salvador Panelo kay dating chief justice Maria Lourdes Sereno na nagsabing kailangang magpaliwanag si Duterte sa laki ng itinaas na kita ng pamilya sa halip na sumagot na walang pakialam ang sambayanan sa isyu.
Sinabi ni Panelo na kung sa paniwala ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at ni Sereno na may mga ill-gotten wealth, magsampa sila ng kaso,” sabi ni Panelo.
Si Panelo, tumatayo ring chief legal counsel ni Duterte, ay nagsabi na inuutusan lamang ng korte ang public officials na magsampa ng kaso at hindi ang magpaliwanag sa pagdagdag ng kinikita.
Sa tatlong bahaging report, ibinunyag ng PCIJ na kapansin-pansin ang pagtaas ng kita ni Duterte at mga anak nito na sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at dating vice mayor Paolo Duterte, habang nasa posisyon.
Gamit umano ang mga statements of assets, liabilities and networth (SALNs), sinabi ng PCIJ na ang network ng Pangulo, ay tumaas ng 195% mula sa P9.69 milyon noong 2007 sa P28.54 milyon noong 2017.
Sinabi rin sa report na ang net worth ni Duterte-Carpio ay tumaas mula P13.8 milyon noong 2007 sa P44.8 milyon noong 2017 habang ang net worth ni Paolo ay tumaas sa P27.7 milyon noong 2017 mula sa P11.7 milyon noong 2007.
206