(DANG SAMSON-GARCIA)
SINAGOT ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa si Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Paduano dahil sa pagpupumilit nito na kasama siya sa isang diumano’y courtesy call ng mga pulis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ikinakabit sa pagkamatay ng tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Farm and Prison noong Agosto 2016.
Ayon sa dating hepe ng PNP, hindi siya dumalo sa naturang pagpupulong na sinasabing naganap sa Davao City ilang linggo matapos maupo sa puwesto si Duterte.
“It is very clear from the recorded video of that hearing that Cong. Paduano is very excited and very insistent of my alleged presence in that courtesy call despite repeated denials from all the resource persons. Again, I vehemently deny that I was a party to that courtesy call or meeting,” pahayag ni Dela Rosa.
“The effort to wholesale former President Duterte, Sen. Bong Go and myself in one single stroke is very evident in his line of questioning,” dagdag pa niya.
Sa Quad Comm hearing, nagtanong si Paduano kay National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ukol sa diumano’y pagpupulong, at sinabi ng huli sa komite na hindi niya maalala na nakita si Dela Rosa sa nasabing pagtitipon.
Maging si retired police colonel Royina Garma, na nagpatotoo na naganap ang nasabing pagpupulong at dumalo, ay nagsabi rin na hindi niya maalala na naroon si Dela Rosa sa nasabing courtesy call.
Muling binatikos ni Dela Rosa ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng Kamara ukol sa war on drugs, na tinawag niyang isang “fishing expedition” na may layuning pabagsakin ang mga kaalyado ni Duterte bago ang eleksyon sa 2025 at 2028.
106