Duterte supporter kasi? POLICE OPS SA KOJC COMPOUND ‘OVERKILL’

KINONDENA nina Senador Imee Marcos at Senador Christopher Bong Go ang sinasabing paggamit ng sobra-sobrang pwersa ng tauhan ng Philippine National Police sa pagsalakay sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City para isilbi ang warrants of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sinabi ni Marcos na ang pagdeploy ng 2,000 pulis sa lugar ay hindi kinakailangan at walang sapat na batayan.

Idinagdag ng senadora na hindi katanggap-tanggap ang idinulot na abala, takot at sinasabing pagkamatay ng isang indibidwal sa naturang operasyon.

Hinimok din nito ang PNP na maging maingat sa kanilang aksyon, tiyakin ang paggalang sa kalayaan at pagbibigay prayoridad sa kaligtasan ng mga sibilyan.

“Ito na ang pangalawang pagkakataong nagpamalas ng ‘di katanggap-tanggap na pwersa ang PNP; kailangan itong mahinto at hindi na maulit pa. Isang malaking dungis ito sa Pulisyang Pilipino,” saad ni Marcos.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Go sa namatay na miyembro ng KOJC dahil sa atake sa puso kasabay ng pahayag na bagama’t nauunawaan niya ang operasyon ay hindi naman dapat maging overkill.

“Alam ko na tungkulin po ng pulis na ipatupad ang batas. Ngunit kinokondena po natin ang karahasang nangyayari dahil importante po sa atin ang buhay ng bawat Pilipino,” diin nii Go.

Samantala, hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian si Quiboloy na sumuko na lamang upang maiwasan ang anomang kaguluhan.

Ipinaalala ni Gatchalian na hindi na lamang Senado at Kamara ang humihiling ng kanyang presensya para harapin ang kanyang mga kaso kundi mismong mga korte na kaya’t nararapat na magpakita na siya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na posibleng ang panggigipit kay Quiboloy ay dahil sa kanyang pagiging Duterte supporter. (DANG SAMSON-GARCIA)

46

Related posts

Leave a Comment