E-SUMBONG NI CHIEF DI UBRA SA E-SABONG

0

(NELSON S. BADILLA)

KAABANG-ABANG kung magiging epektibo ang inilunsad na kampanya ni General Guillermo Lorenzo Eleazar laban sa pamamayagpag ng e-sabong.

Tugon ito ng heneral upang ipakita sa publiko na totoo, tapat at seryoso ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na linisin ang organisasyon sa iba’t ibang klaseng katiwalian at korapsyon.

Ito’y sa pag-asang manunumbalik ang respeto at tiwala ng mamamayan sa PNP.

Kaakibat nito ang pagkilos ng PNP laban sa mga ilegal na sugal.

Isa sa mga ilegal ay ang electronic sabong o e–sabong, na nakipagsabayan sa jueteng na namamayagpag pa rin hanggang ngayon.

Naglunsad si Eleazar ng kampanya na nakapokus sa e-sabong na tinawag na “E-SUMBONG, SUMBONG MO, AKSYON KO!”

Upang mabilis na makararating sa tanggapan ni Eleazar ang reklamo laban sa e-sabong, nakasaad sa campaign poster nito ang contact numbers ng E-SUMBONG na (Smart): 09191601752 at (Globe) 09178475757.

Hindi ito ginawa ng mga naunang hepe ng PNP.

Ang inisyatiba ni Eleazar ay malaking hamon, partikular sa kanya, at sa buong PNP, sa pangkalahatan.

Masusubok kung totoo, o hindi, ang panawagan ni Eleazat sa publiko laban sa e-sabong.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na napakalaganap na ngayon ng naturang sugal sa National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon sa Luzon.

Sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay napakatindi na ng e-sabong.

Iba pa ang mga tupada na kitang-kitang nagsasabong ang mga manok sa harapan ng mga sabungero at mananaya.

Ilegal ang tupada, ngunit marami pa ring nagsasabong dahil maraming Filipino ang mahilig sa sabong.

Kasama na ang ilang opisyal ng PNP.

Kung mayroong magsusumbong kay Eleazar tungkol sa e-sabong, inaasahang hayagan din niyang kokomprontahin at pagagalitan ang mga ito, lalo na ang mga opisyal ng PNP na nakasasakop sa lalawigan, lungsod at bayan kung saan nadiskubre at nasukol ang e-sabong.

Ang pagkontrol at panenermon ni Eleazar sa mga kotongero, tamad na mga pulis at mamamatay-taong pulis ay nakita ng publiko kahit noong direktor pa siya ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Muling nakita ito ng publiko nang maging PNP chief siya.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment