EDUKASYON SA BANSA NASA KRISIS -SOLON

NAGBABALA ang isang senador na nalalagay sa krisis ang edukasyon ng bansa matapos lumbas ang resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) at ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018, dalawang global assessment.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nakakuha ng mababang marka ang mga Pilipinong mag-aaral sa elementarya. Isa pang pandaigdigang pagsusuri ang naglabas ng resulta na muling nagpapakita ng bagsak na marka ng mga estudyante natin sa basic education.

Ayon sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019, pagdating sa Science at Math, ang mga mag-aaral ng Grade 4 sa bansa ay napag-iiwanan ng mga mag-aaral sa ibang bansa. Sa madaling salita, panghuli ang Pilipinas sa 58 na bansang sumali sa naturang assessment pagdating sa Math at Science.

Para kay Gatchalian, ipinakikita ng mga resulta ng pag-aaral na ito na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay nasa ilalim ng krisis na hindi matutugunan ng “business as usual”.

“Ito ay isang matinding krisis. Nakikilahok ang bansa sa mga global assessment upang masuri ang ating curriculum. Nakakalungkot na sa pangatlong pagkakataon ay bumagsak na naman ang Pilipinas. Dapat magsilbing hamon ito sa lahat,” panawagan ni Gatchalian.

Aniya, sa mga mag-aaral ng bansa na nakilahok sa TIMSS, walang nakakuha ng markang pasok sa “Advanced International Benchmark” (o may average score na 625) sa parehong Science at Math.

Ayon sa senador, ang TIMSS 2019 ay isang pagsusuring ginagawa ng International Association for the Evaluation of Educational Achievement (IEA) upang suriin ang kakayahan ng mga mag-aaral

sa Grade 4 at Grade 8 pagdating sa Math at Science. Para sa taong 2019, ang mga Grade 4 lang sa bansa ang lumahok sa pagsusuri.
Para kay Gatchalian, lalong ipinakikita ng pag-aaral na ito na kailangang magkaroon ng mas simple o streamlined na curriculum na layong bigyan ng tutok ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsulat, pagbasa, Math, at Science. Samantala, naumpisahan na ng Department of Education (DepEd) ang curriculum review at nakatakdang matapos ito sa 2021. (NOEL ABUEL)

Related posts

Leave a Comment